Bibilhin na raw ng Department of Transportation (DOTr) ang mga lumang jeepney unit mula sa mga tsuper at operator na nabigong mag-consolidate bilang bahagi ng PUV Modernization Program.
Ito ay sa gitna ng tumataas na bilang ng mga tradisyunal na jeepney unit na ibinebenta para sa mga scrap sa mga junk shop sa Metro Manila.
Ayon kay DOTr Undersecretary Andy Ortega, layon ng ahensya na mabili ang mga jeepney na hindi na roadworthy sa mas mataas na presyo kaysa sa presyo sa mga junk shop.
Sa isang junk shop sa Tondo, Maynila, nasa humigit-kumulang 50 jeepney na ang kanilang nakatay mula noong simula ng 2024.
Anila, nabibili nila ang lumang jeepney unit na kanilang dinidisassemble sa halagang P38,000.
Pero maaaring pa ring umabot sa P50,000 ang presyo ng unit kung ang makina at ang mga gulong ay nasa maayos pa ring kondisyon at maaaring magamit muli.
Samantala, habang ang ilan ay sumuko na sa kanilang kabuhayan bilang mga jeepney driver o operator, may iba naman na tumuloy pa rin sa biyahe.