SORSOGON CITY – Sampung katao ang nailigtas ng mga mangingisda matapos lumubog ang sinasakyan nilang bangka sa dagat na sakop ng Brgy Calintaan, Matnog, Sorsogon.
Kinilala ng Matnog Police ang mga sakay ng bangka na sina John Aaron Gacos, 20-anyos, residente ng Brgy San Juan, Irosin at Heber Fortes Tagilid, 21-anyos, Mary Rose Fulo Fortes, 22-anyos at Eugene Tan Payos, 19-anyos lahat mula sa bayan ng Bulusan; Janesca Silvio Garra, 20-anyos, Marlene Garlan Bio, 19-anyos; Jessa Silvio Garra, 19-anyos, Jully Bolante Fortes, 22-anyos at Milena Gaṅas Gillego, 21-anyos lahat residente Brgy Tabunan, Matnog at Lovely Kate Belesario Deuda, 21-anyos ng Bgry Monbon, Irosin.
Batay sa ulat, ang mga pasahero ay umalis ng Brgy Tabunan dakong alas 4:00 ng hapon, Hulyo 7 at habang nasa karagatan na sila na sakop ng Brgy Calintaan ay bigla umanong binayo ng malakas na alon ang kanilang bangka kaya biglang tumaob ito.
Nagkataon naman na agad sila napansin ng mga mangingisda na malapit sa lugar at ligtas na narescue ang lahat ng sakay.
Ang insidenta ay agad naiparating sa Matnog Tourism at Phil Coast Guard na siya namang nagbigay ng report sa himpilan ng pulisya.
Agad nagkasa ng rescue team ang Matnog Police at PCG-Matnog upang mailikas ang mga pasahero mula sa nasabing isla.

Wala namang naiulat na nasaktan sa mga pasahero subalit ang ilan sa kanilang personal na gamit katulad ng mga mobile phones, pera, mga damit, shelter tents at iba pa ay hindi na narekober. Nagtamo naman ng sira ang bangka na ngayon ay pansamantalang nakadaong sa Morong Island sa Brgy Calintaan.
Lumabas sa imbestigasyon na ang bangka na pag-aari ni Ginoong Junior Bio, residente ng Brgy Tabunan ay hindi rehistrado kung kaya’t hindi ito pinahihintulutan na mag-alok ng serbisyo katulad ng biyahe at banca ride.
Nabatid din na nagbayad sa halagang P1, 000.00 ang mga pasahero para maihatid sa Subic Beach.
PHOTOS exclusive for Brigada News FM-Sorsogon
