Constitutional challenges sa economic provisions, inaasahan na ng Kamara

Nakahanda ang Kamara na komprontahin ang anumang constitutional challenges sa pag-amiyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Kasunod ito ng naging babala ni retired Supreme Court Chief Justice Reynato Puno na ang pagsingit sa katagang “unless otherwise provided by law” sa economic provisions ay maaaring kwestyunin sa pamamagitan ng constitutional challenge.

Ayon kay 1-RIDER Party-list Representative Rodge Gutierrez, sadyang hindi maiiwasan na may “legal scrutiny” sa anumang mapipiling paraan ng pagbabago sa Saligang Batas ngunit nananatili ang determinasyon ng Kamara na harapin ito.

Batid aniya ng Kamara o Senado na ang wordings sa proposed amendments ay maaaring mabutasan at kahit pakinggan pa ang payo ni Puno ay kukuwestyunin pa rin ang kawalan naman ng specific provisions.

Read More:  DepEd probes classroom assault involving Bacolod students

Sa ikalawang araw naman ng pagsalang ng Resolution of Both Houses Number 7 sa Committee of the Whole ay pinalutang din ang posibilidad na daanin sa constitutional challenge ang paggamit ng “Bernas” formula sa pag-amiyenda sa Saligang Batas.

Ang “Bernas formula” ay isang pamamaraan na iginigiit ng Kamara bilang ikaapat na mode ng Charter amendment kung saan tatalakayin at pagbobotohan ng dalawang Kapulungan ang proposed constitutional amendments tulad ng isang ordinaryong panukala.

Read More:  Tarriela condemns Chinese media’s ‘monkey’ video allegedly depicting the Philippines

Pero binanggit ni Gabriela Representative Arlene Brosas ang punto ni dating Chief Justice Puno na may “red flag” sa pag-amiyenda sa Konstitusyon sa paraan ng legislation.

Depensa naman ni House Deputy Majority Leader Neptali Gonzales II, walang masama kung susubukan ito lalo’t ginawa naman ang paraang Constituent Assembly kung saan pagbobotohan ng 3/4 ng lahat ng miyembro ng Kongreso ang proposed amendments o revision.

Paliwanag ni Gonzales, walang mangyayari kung matatakot lang kaya mas mabuting hayaan na lang ang Korte Suprema na siyang final arbiter na magpasya ukol sa kanilang isinusulong.