Higit 2,000 katao, nagsilikas dahil sa pagbaha sa Batangas

Umabot sa mahigit dalawang libong indibidwal sa iba’t-ibang bahagi ng Batangas ang nailikas dahil pa rin sa naranasang pagbaha dulot ng walang tigil na pag-ulan.

Ayon kay Dr. Amor Calayan, ang pinuno ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office of PDRMMO, sa maghapon nilang pag-iikot sa iba’t-ibang bayan ay nadagdagan pa ang bilang ng mga evacuees.

Pinakaapektado ng pag-ulan ang bayan ng Calatagan at Nasugbu.

Read More:  Canlaon artisans adapt to calamities with limited materials, volcanic ash crafts

Sa Nasugbu pa lamang, nasa mahigit pitong daang indibidwal ang inilikas kahapon.

Nananatili sila sa sampung evacuation centers kung saan ang karamihan ay mga eskwelahan.

Samantala sa bayan pa rin ng Nasugbu, hanggang kagabi ay hindi pa rin nadadaanan ang Nasugbu-Magallanes Road dahil sa gumuhong lupa sa kalsada.

Kahapon, muli ring binaha ang bahagi ng diversion road sa Barangay Malinis, Lemery, Batangas, kung saan nakuhanan pa ng CCTV ang pagkahulog ng isang truck sa kanal.

Read More:  Kabankalan MSMEs prove their mettle at Negros Trade showcase

May naiulat ding gumuhong gate ng eskwelahan sa bayan ng Laurel dahil pa rin sa pag-ulan.

Ganun din sa lungsod ng Calaca, kung saan pansamantalang hindi nadaanan ang Diokno Highway sa bahagi ng Barangay Tamayo dahil sa landslides.

Ngayong araw, patuloy ang monitoring ng PDRRMO sa mga bayang lubhang apektado ng pag-ulan at pagbaha.