LEGAZPI CITY – Isang economic analyst sa lalawigan ng Albay ang nagpahayag ng suporta sa kasasabatas pa lamang na Maharlika Investment Fund (MIF).
Para kay Economic Analyst Dr. Clea Bongat, isang positibong hakbang at inisyatibo ang MIF para sa pag-unlad ng bansa.
Sa panayam ng Brigada News FM kay Bongat, sinabi niya na bilang nasa larangan ng economics, kinakailangang mabigyan ng malaking suporta at pagpapahalaga ang MIF sapagkat ito ang makakapagpalago ng ekonomiya ng Pilipinas dahil sa mga probisyong nakapaloob dito.
Naniniwala umano siya sa sinabi ni Pres. Bongbong Marcos na makakatulong ang MIF sa pagbangon ng bansa mula sa krisis na idinulot ng pandemya sa COVID-19 lalo na sa sektor ng agrikultura.
Aniya, dahil sa ganitong uri ng inisyatibo, makakatulong ito upang mas mapalakas pa ang pundasyon ng ekonomiya partikular sa agriculture sector.
Maliban dito, makakatulong din ang batas na ito sa pagpapalakas ng economic partners sa ibang mga bansa dahil hindi lang naman umano ito para sa Pilipinas.
Ayon kay Bongat, batid niyang mayroong mga agam-agam at nababahala ang ilang mga Pinoy sa batas na ito subalit subukan lamang umanong tignan ang MIF sa positibong pananaw.
Kung matatandaan, nilagdaan ni Marcos ang MIF Bill o ang kauna-unahang sovereign wealth fund ng bansa at naisabatas nito lamang Hulyo 18.