Patay ang isang barangay captain matapos itong malapitang pagbabarilin sa labas ng basketball court ng Barangay Guis-guis San Roque, Sariaya, Quezon nitong Biyernes ng gabi, Hulyo 7.
Kinilala ang biktimang si Benedicto Robo, 62-anyos residente at kapitan ng naturang barangay habang ang suspek naman ay si Marvin Fajarda Flores, alyas “Pong-pong”, nasa 40-50 anyos at residente ng Brgy. Bignay 2 ng nasabing bayan.
Ayon sa police report, naganap ang insidente sa labas ng basketball court habang may nagaganap na liga.


Lumalabas sa imbestigasyon na lumabas ng naturang court ang biktima at habang kumakain ito ng siopao, nilapitan ito ng suspek at saka makailang beses itong pinagbabaril.
Samantala, agad na isinugod sa hospital ang biktima subalit binawian ito ng buhay bandang alas 12:59 ng madaling araw ng Hulyo 8.
Napag-alaman na bago ang insidente, sinita ng kapitan ang suspek dahil sa umano’y ‘unruly behavior’ nito na nauwi sa mainit na alitan sa pagitan ng mga ito.
Nagsasagawa na ngayon ng hot pursuit operation ang mga awtoridad para sa posibleng pagkakadakip sa naturang suspek.