CAMARINES NORTE- Pormal nang inilunsad kahapon ng Commission on Elections ang mobile application para mapabilis ang proseso ng voter registration lalo na ngayong mataas pa rin ang banta ng COVID-19.
Maaring ma- access ang mobile app na ito gamit ang kahit na anong smartphone at kahit offline na ayon sa komisyon ay malaking tulong dahil tipid sa oras, effort at pera sa pagpunta sa mga computer shop para magdownload at magpa print ng voter registration form.
Pero bago pa man pormal na ilunsad ng Comelec, ay sinimulan na ang pilot testing nito noong pang mga nakatalikod na araw sa limang bayan sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ang mga bayan ng Mercedes, Labo, Vinzons, San Lorenzo Ruiz at San Vicente ay gumagamit na ng mobile registration form app sa voter registration.
Simple lang ang proseso, ang mga magrerehistro gamit ang mobile app na ito ay makakatanggap ng QR code na sya namang ipipresenta sa pag punta sa tanggapan ng Comelec.
Pagkatapos nito ay magpi- print na ang Comelec ng application form at diretso na biometrics.
Maaaring madownload ang Mobile Registration Form App sa pamamagitan ng link na bit.ly/MobileFormApp.

