LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) Bicol Police Regional Office 5 na ipinagpapatuloy nila ngayon ang pagpapaigting sa pag-dismantle ng private armed groups at firearms.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay PNP Bicol Spokesperson Malu Calubaquib, sinabi niyang sa ngayon ay pinagawa sila ng risk evaluation ng national headquarters sa mga nahalal na mga opisyal ng gobyerno sa buong rehiyon.
Aniya, nagkaroon na sila ng evaluation para sa 8,000 na mga opisyal at dito rin umano, inaalam nila kung mayroong mga threats o banta na nakakategorya sa high-risk, medium-risk, at low-risk.
Sa ngayon, sa unang dalawang linggo ng pagsusuri, mayroon na silang naitalang 6 high-risks, 42 medium-risks, habang halos 8,000 ang low-risk.
Ayon sa kanya, alinsunod sa abiso ni Pangulong Ferdinand Marcos, kinakailangang dagdagan at palakasin pa ang pag-aasess dahil para rin ito sa kaligtasan ng mga opisyal.
Pagdating naman sa loose firearms, mayroon na silang nakuhang mahigit 100 assorted guns na nakumpiska, isinuko o para sa safekeeping.