Hindi na nakaabot ng buhay ang anim sa 19 na pasahero ng jeep sa kani-kanilang pamilya habang pabalik na sana sa lungsod ng Sorsogon.
Nasawi ang anim dahil sa malagim na aksidente na kinasasangkutan ng kanilang sinakyang pampasaherong jeep sa kasalubong na Isuzu wing van, dakong alas 3:45 ng hapon, Enero 27, 2022 sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy San Rafael, Castilla, Sorsogon.
Kabilang sa mga nasawi sina : Maribel Lomerio Pardillo, 45-anyos, may asawa, residente ng Brgy. Cumadcad, Castilla; Karen Jamisola Maquiñana, 45-anyos, may asawa, Public School Teacher residente ng Brgy Talisay, Sorsogon City; Erik Dino Deonida, 19-anyos, binata residente ng San Roque, Bacon District, Sorsogon City: Heidy Locsin Albao, 58-anyos, biyuda at residente ng Brgy. Buenavista, Castilla; Amparo Candia Bajaro, 60-anyos, may asawa at residente ng Brgy. San Isidro, Castilla at Janelle Abarientos, 17-anyos, dalaga, residente ng Brgy. Cumadcad, Castilla. Sugatan naman ang 13 iba pa kabilang ang driver ng jeep na si Rodolfo Anonuevo Licup Jr, 53-anyos, may asawa at naninirahan sa Brgy Buenavista, Sorsogon City.
Kinilala naman ang driver ng van na si Marlon De Leon Lorenzo, 51-anyos, may asawa at residente ng Brgy San Vicente, Gapan City, Nueva Ecija.
Sa paunang imbestigasyon ng Castilla Police, nag-counterflow umano ang pampasaherong jeep dahilan ng ‘head on collision’ sa paparating na trak.
Nasa hospital arrest ang driver ng jeep habang ang driver ng trak ay nasa kustudiya ng Pulisya para sa kaukulang disposisyon.
