LEGAZPI CITY – Humingi ng paumanhin ang Philippine Ports Authority (PPA) Bicol hinggil sa reklamong natanggap nila tungkol sa hindi kaaya-ayang karanasan ng ilang mga pasahero sa San Andres Port.
Kaugnay ito ng isang reklamong isinapubliko sa social media tungkol sa kanyang naranasan sa nasabing pantalan na may kinalaman sa pagpapanatili ng kalinisan at maintenance o repairs.
Sa post ng hindi pinangalanang biyahero, nais niyang malaman kung sino ng in-charge pagdating sa maintenance ng San Andres Port lalo pa’t may ilan siyang naobserba katulad ng baradong mga CRs, mga sirang upuan sa lounge, tumutulo ang bubong, at basing mga sahig.
Sa panayam naman ng Brigada News FM Legazpi kay Achilles Galindes ng nasabing tanggapan, ang hinaing na ito ay naipaabot na umano nila sa Port Management Office (PMO) Bicol na agad namang nakipag-ugnayan sa Terminal Management Office (TMO) ng Catanduanes.
Paliwanag ni Galindes, ang Catanduanes umano ay palaging dinaraanan ng bagyo kung kaya ang mga kagamitan sa mga pasilidad sa pantalan ay nagiging susceptible o madali nang masira.
Aniya, nilinis na umano ang duming inireklamo ng biyahero at inaayos na rin ang ilang mga kailanagn i-repair at sinabi nilang patuloy nilang imo-monitor ang mga kaganapan at aksyon ukol dito.