CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng PNP Highway Patrol Group ang mga bibili ng second hand na sasakyan na mag ingat at i- verify muna kung ito ay naka alarma o hindi upang makaiwas sa problema.
Sa isinagawang Road Safety and Traffic Regulations Orientation sa bayan ng Basud, Camarines Norte nitong linggo, na dinaluhan ng iba’t- ibang TODA at force multiplier muling nagpaalala ang HPG na mag verify muna sa kanila o sa Land Transportation Office kung may alarma ang sasakyan bago bilhin.
Sa ngayon ay tuloy- tuloy ang Anti- Carnapping campaign ng Guardians of the Highway sa pamamagitan ng madalas na pagsasagawa ng checkpoint at Oplan Sita.
Sa mga ililipat naman ang pangalan ng sasakyan ay kinakailangang mag secure muna ng LTO confirmation kalakip ang original copy ng deed of sale at photocopy ng litrato ng dating may ari.
Samantala nilinaw naman ng LTO na walang violation sa ngayon ang binilhan o ang nakabili ng sasakyan kung hindi agad malipat ang pangalan sa huli.
Bagamat mayroon na umanong batas na sa loob ng limang araw ay dapat mailipat ang pangalan sa bagong may ari ay hindi pa umano ito ipinatutupad sa ngayon ng LTO dahil nasa Supreme Court pa ang usapin.
Marami pa raw kasing isyu na dapat iresolba kaya pansamantalang ipinatigil muna ng SC ang implementasyon nito.
