PNP, tiniyak na tutulungan ang 30 pulis na sangkot sa ‘Bloody Sunday’ massacre

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na tutulungan at bibigyan nila ng legal assistance ang tatlumpong pulis na nahaharap ngayon sa kasong murder kaugnay sa tinaguriang ‘Bloody Sunday” massacre.

Sa isang press briefing, sinabi ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin na nalulungkot siya sa pagkakasangkot ng mga naturang pulis sa kaso gayong para sa kanya ay ginagawa lamang naman ng mga ito ang kanilang trabaho.

Mababatid na nagresulta sa pagkamatay ng ilang political activists mula CALABARZON kabilang sila Ariel Evangelista at asawa nitong si Anne Marie ang isinagawang operasyon ng mga pulis at militar noong 2021.

Iginiit ni Azurin na kailangan nilang tulungan ang mga pulis dahil naniniwala siyang hindi ginusto ng mga ito ang nangyari at bahagi lamang ito ng kanilang tungkulin sa bayan.

Read More:  DepEd launches disaster risk platform

Samantala, nanawagan naman ng suporta si Azurin sa dating PNP chief noong panahon kung kailan nangyari ang massacre.

Ipinunto ni General Azurin na bagama’t sakop sa panahon niya ang pagsasampa ng kaso laban sa mga naturang pulis, kailangan din aniya rito ang koordinasyon ng mga dati nang hepe ng pambansang pulisya.

Epekto ng kidnapping news sa ekonomiya

Nangangamba si Azurin sa mga magiging implikasyon ng mga kumakalat na balita hinggil sa mga kabi-kabilang insidente ng pangi-ngidnap sa bansa.

Sa pulong balitaan, muling umapela ang PNP chief sa publiko na ihinto na ang pagpo-post ng mga pekeng balita ng abductions sa Pilipinas.

Ayon kay Azurin, maging ang ekonomiya kasi ng bansa ay naaapektuhan na rin nito.

Aniya, puspusan daw ang pagta-trabaho ng Gobyerno para lamang makapanghikayat ng mga mamumuhunan sa bansa.

Sa mga pagpapakalat ng mga kidnapping posts – nagdudulot daw ito ng takot at pangamba sa mga investor.

Imbis aniya na magpakalat ng agam-agam at takot, dapat ay makipagtulungan sila na i-promote ang peace and security sa bansa.

Sa huli, tiniyak naman ng PNP chief na inaaksyunan nila ang mga napaulat na abduction incidents sa bansa.
#