Nagtamo ng mga sugat ang siyam na sakay kabilang ang drayber sa karambola ng mga sasakyan sa South National Highway, KM 13, Purok Masagana, Barangay Irawan, Puerto Princesa City.
Base sa ulat ng Police Station 2, binangga ng Toyota Vios na minaneho ni Bryan Ochea Butron ang sinusundan nitong tricycle na minaneho ni Norman Cascaño Suarez habang ito ay parehong papunta sa City proper bandang alas- singko ng hapon, ika- 7 ng Oktubre 2022.
Dahil sa pagbangga ay nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber ng tricycle at napunta ito sa kabilang linya kaya nabangga ang kasalubong na Fuso Canter Mini Dump Truck na minamaneho ni Jayrickben Gacho Ruz.
Ang mga sakay ng tricycle ay kinilalang sina Lucina Cascaño Suarez, Jacqueline Castillo Gepanaga, Jade Dnezil Gepanaga Suarez, 1 taong gulang, Angelika Abid Cascaño, 13 anyos, Angeline Abid Cascaño, 11 anyos, Paul Lorence Esmaralda Balbontin, 5 anyos John Daniel Esmeralda Balbontin, 7 anyos Anthony Abid Cascaño, 15 anyos, at pawang mga residente ng Purok Katiwasayan, Brgy. Luzviminda.
Ayon sa drayber ng Toyota Vios ay nakatulog umano siya kaya nabangga ang tricycle, base pa sa ulat.
Agad na rumesponde ang Kilos Agad Action center at dinala ang mga sugatang biktima sa pagamutan.