KORONADAL CITY- SIYAM na mga tourist attractions sa bayan ng Lake Sebu ang pasok sa Top 10 attractions sites sa probinsya ng South Cotabato mula noong Enero hanggang Hunyo nitong taon.
Nangunguna sa mga atraksyon na dinadagsa ng mga turista sa lalawigan ang Garden by the Lake na kilala sa Lake Cruise at dining experience nito.
Sinusundan ito ng Seven Falls na kilala sa may pinakamahaba at pinakamataas na zipline sa Southeast Asia.
Nakapasok naman sa top 3 ang Strawberry Guyabano o SG Farm sa bayan ng Tupi na isang farm tourism site na nag-aalok ng scenic view ng Mt. Matutum, magagandang tanawin at masasarap na pagkain.
Samantala, kabilang din sa 10 attraction sites ang Punta Isla Lake Resort, Dolores Lake Resort,
Dreamweavers Hill, Camp Lake View, Sunrise Garden Lake Resort, Our Lady of Divine Mercy Shrine at Emilio’s Kawa and Flower Garden na pawang makikita sa bayan ng Lake Sebu.
Sa unang semester ng 2022, nakapagtala na ang lalawigan ng 942, 656 tourist arrivals.
