Natanggap na ng 849 hog raiser na labis na naapektuhan ng African Swine Fever sa Appari, Cagayan ang kanilang indemnification fund na nagkakahalaga ng P15.355 milyon pesos mula sa Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02).
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, nasa 3,071 na alagang baboy ang naapektuhan sa mga barangay sa naturang bayan kung saan bawat benepisaryo ay makatatanggap ng 5,000 hanggangt 65,000 pesos cash depende umano sa laki ng kanilang swine enterprise.
Ipinaalam naman ni DA RFO 02 Regional Executive Director Narciso Edillo ang pinsalang dulot ng ASF sa buong rehiyon kung saan umabot na sa 76,000 ang sumailalim sa culling ng ahensya.
Aniya, labis na naapektuhan ang Lalawigan ng Isabela kung saan mula 37 na bayan ay nasa 34 ang apektado o katumbas ng 75 na porsyento ng region’s total ASF invasion.
Ayon pa kay RD Edillo, apektado rin ang 20 na bayan sa Cagayan, 12 na bayan naman sa Nueva Vizcaya habang lahat naman ng munisipalidad sa probinsya ng Quirino ay apektado.
Inabisuhan naman nito ang mga hog raisers na maghintay ng go signal mula sa ASF monitoring team upang sumailalim sa ASF prevention and surveillance protocols at masiguradong wala ng banta ng ASF sa lugar.
Naglaan naman ng ponding 8 milyon pesos ang LGU Appari kung saan agarang nabigyan ng 1,500 financial assistance ang mga naapektuhan na mga hog raisers.
Pinasalamatan naman ni Aparri Municipal Agriculturist Marites Robinion sa DA-RFO2 at LGU Appari sa benepisyong natanggap ng mga hog raisers habang ibinahagi naman nito na ang Appari at Tuguegarao City ang labis na naapektuhan ng ASF sa probinsya ng Cagayan.
Samantala, mula sa 31.54 milyon pesos na ibinigay para sa pagbabayad ng depopulated swine sa lambak ng Cagayan ay nasa 28.055 milyon pesos o katumbas ng 88.95% ang inilaan sa probinsya ng Cagayan.