SORSOGON CITY – Patay ang isang kasapi ng rebeldeng grupong NPA makaraang magka-engkwentro sa pagitan ng mga tropa ng gobyerno alas 5:30 kaninang umaga, Pebrero 8 sa Bgy Magsaysay, Esperanza, Masbate.
Sa inisyal na report na nakalap ng Brigada News FM-Sorsogon, matapos ang ilang minuto na palitan ng putok ng magkabilang panig ay isang rebelde ang nakitang wala ng buhay sa pinagyarihan ng engkwentro habang wala namang naiulat na may nasaktan sa hanay ng pamahalaan.


Narekober din sa lugar ang isang KG9 na rifle na kargado ng 10 bala, isang hand grenade, isang grenade launcher, bomb detonator, dalawang magazine ng M16 rifle, bandolier, 7 bala para sa M16 rifle, 20 basyo ng bala para sa M16 rifle, isang bugkos na electric wire at isang backpack.
Kaugnay nito, mas pinaigitng pa ng puwersa ng Army at PNP ang pagpapatrolya sa mga karatig na lugar para sa posibleng pagkahuli sa mga tumakas na rebelde.
Ang dalawang pangkat ay patuloy din ang pakikipag-ugnayan sa komunidad para palakasin pa ang koordinasyon at himukin ang pagkakaisa ng mga ito upang matuldukan na ang karahasan ng mga rebelde.
