Kinumpirma ng Department of Trade and Industry na pinadalhan na nila ng sulat para magpaliwanag ang mga tindahan at negosyong isinumbong sa kanila na nagsamantala matapos ang pananalasa ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Trade Sec. Ramon Lopez aabot sa 50 mga tindahan ang hiningan nila ng paliwanag dahil sa sobra-sobrang taas ng binibentang mga produkto.

Kabilang na dito ayon kay Lopez ay ang bentahan ng generator sets at gasolina.
Sinabi ng kalihim na agad silang nagpatulong sa CIDG at PNP upang imonitor at hulihin ang mga negosyante nagsasagawa ng ‘profiteering’ o pananamantala sa gitna ng kalamidad.
Sa huling monitoring ng DTI bumalik na sa normal ang presyo ng mga produkto partikular sa Cebu dahil nalaman umano ng mga negosyanteng seryoso ang pamahalaan na kasuhan ang mga nananamantala.