Sugatan ang limang katao sa riot na naganap sa Pista ng Sto Niño sa Tondo Maynila, nitong Linggo ng gabi.
Ayon kay Kagawad Danilo De Leon, nagkaroon umano ng hindi pagkakaintindihan ang dalawang grupo na nagresulta sa away.
Kwento ng isa sa mga nasugatan, hindi nila kilala ang magkasintahan na bigla na lang lumapit at nagalit sa kanila habang sila ay nag-iinuman sa kalsada.
Dagdag pa nito, pansamantalang umalis ang dalawang nakaalitan nila pero nang bumalik ay may kasama ng grupo ng mga lalaki, dahilan kaya nagkaroon na ng riot sa lugar.
Dinala naman sa ospital ang mga nasugatan, habang agad na tumakas ang mga lalaki nang dumating ang mga pulis sa lugar.
Pinaghahanap pa ngayon ng mga taga-barangay ang grupo na sangkot sa riot.