Ibinunyag ni Ombudsman Samuel Martires na napatawan ng preventive suspension ang limang opisyal matapos ipag-utos ng opisina nito ang imbestigasyon kaugnay sa mga maanomalyang transaksyon at lapses ng Department of Health
Sa isang pahayag ay sinabi ni Martires na noong June pa ng nakaraang taon niya inutos ang imbestigasyon sa procurement ng DOH sa test kits, personal protective equipment (PPEs), at iba pang “emergency purchases”.
Saklaw rin ng nagpapatuloy na probe ng Ombudsman ang kabiguan umano ng DOH na bayaran ang mga immediate relatives ng health workers na nasawi sa COVID-19, at pati na rin ang mga medical frontliners na nagkasakit.

Noong June ay binatikos ng maraming senador ang DOH dahil sa delayed na implementasyon ng probisyon sa Bayanihan Act kung saan ay ginagarantiya ang P1-milyong na kompensasyon sa mga health workers na nasawi dahil sa COVID-19, at P100,000 para sa mga nakaranas ng severe symptoms.
Ipinunto rin ni Maritres na sinilip rin nito ang lapses at inefficiencies na humantong sa pagtaas ng bilang ng mga nasawi at nagkakasakit na medical frontliners.
Samantala, binigyang diin naman ng Ombudsman na mas nais ng kaniyang opisina na magtrabaho ng tahimik at malayo mula sa limelight lalo na kung reputasyon na ng mga tao sa gobyerno ang pinag-uusapan.