Kinasuhan na ng Masbate PPO ang mga suspek sa likod ng pagpapasabog at pag-atake ng baril noong Agosto 7, 2023 sa bayan ng Uson na ikinasugat ng tatlong indibidwal kabilang ang isang Punong Barangay.
Bagama’t hindi pinangalanan ang mga salarin at ang asuntong isinampa sa mga ito, sinabi ng pamunuan ng Masabte PPO na kanilang masusing siniyasat ang pag-atake at sa pangngalap ng mga pahayag mula sa mga testigo ay nakabuo sila ng isang airtight case laban sa mga salarin.
Kung babalikan, hapon noong Agosto 7 ay pinasabugan at pinagbabaril ang mga biktima na sina Democrito Aday Rivera, 62-anyos, Punong Barangay at dalawang FRs na sina Romneck Bulan Lagablab, 32-anyos at Alex Mediana Balayan, 39-anyos lahat residente ng Brgy Bonifacio ng nasabing bayan.
Una nang kinondena ng National Security Council (NSC) sa pamumuno ni National Security Adviser Eduardo Año ang nasabing pag-atake ng 5 miyembro ng rebeldeng grupong NPA sa mga sibilyan.
Ayon kay Año, ang karahasan ay itinaon bago ang paggunita ng International Humanitarain Law (IHL) noong Agosto 12.
Idinagdag pa nito na ang patuloy na paggamit ng NPA ng ‘banned landmines’ at pag-atake sa mga sibilyan ay malinaw na paglabag sa international at domestic laws.
Iginiit din ng opisyal ang pagsusumikap ng pamahalaan na patuloy na susundin ang nakasaad sa IHL at patuloy na ipatutupad ng pamahalaan ang 1997 Mine Ban Treaty.
