LEGAZPI-Apat na miyembro ng isang sindikato ng droga mula pa sa kamaynilaan ang natimbog sa isinagawang dragnet operation ng kapulisan ng Bicol sa Brgy. Kinale, Polangui, Albay.
Ayon sa ipinaabot na ulat ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5, ang mga nahuling suspek ay kinilalang sina Celmel John Lapiz y Guico, 27 anyos, walang asawa, residente ng Brgy. Batong Malaki; Los Baños, Laguna; Charmaine Erlandez y Padilla, 33 anyos, walang asawa, residente ng Brgy Timugan,Los Baños, Laguna; Ronald Mendoza y Rayos, 50 anyos, may asawa residente ng Brgy. Alangilan; Batangas City, at Rosemarie Diana Adap y Reyes, 37 anyos, may asawa, residente ng Brgy. Santa Clara, Batangas City.
Nakuha mula sa pangangalaga ng mga ito ang humigit kumulang na 275 gramo ng pinaghihinalaang “shabu” na may street value na Php 1,870,000.00.
Nabisto ang apat sa pagbebenta ng droga matapos na sila ay lantaran at garapalang pinabilhan ang isang police poseur buyer ng isang pakete ng plastik na naglalaman ng 50 gramo ng “shabu” katumbas ang ng halagang Php 100,000.00.
Ang mga suspek umano ay miyembro ng sindikato ng droga sa Maynila kung saan ang mga ito ay siyang nagsusupply ng mga droga sa Calabarzon at sa rehiyon ng Bicol.
Matapos ang pagmamarka at dokumentasyon ng mga nakuhang ebidensya ang mga suspek ay agad na dinala sa himpilan ng Polangui MPS para sa kaukulang booking procedure bago pa man sila tuluyang ipiit sa kulungan.//
Ang mga ito ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.”