LEGAZPI CITY – Nakikitaan ng dive tourism potential ng Department of Tourism (DOT) Bicol ang apat (4) na bayan sa lalawigan ng Albay.
Ito ay ayon kay DOT Bicol Regional Director Herbie Aguas kung saan ang mga naturang bayan ay Tiwi, Rapu-rapu, Sto. Domingo at Bacacay na kilala sa pagkakaroon ng magagandang coral reefs.
Kasama rin dito mula sa ibang probinsya sa rehiyon ay ang bayan ng San Bernardino sa Bulusan, Sorsogon, Monreal, San Jacinto at Batuan sa Masbate, Paracale sa Camarines Sur at Mercedes at Vinzons sa Camarines Norte.
Dagdag pa ni Aguas, nagkaroon na sila ng dive assessment sa mga naturang lugar lalo na sa probinsya upang madetermina ang kasalukuyang sitwasyon rito.
Samantala ang pahayag na ito ng ahensya ay konektado sa planong pagpapalago ng dive tourism sa buong rehiyon kung saan target nilang makapagambag ng 1% hanggang 2% o tinatayang isang bilyong piso sa kabuuang kita ng bansa sa naturang sektor na noong 2023 ay umabot sa P73B.
Sa ngayon, marami na rin ang ginagawang hakbang ng ahensya ukol rito gaya na lamang ng pagbisita sa mga kaparehong aktibidad sa ibang bansa upang makakuha ng inspirasyon sa mga ito.