4 eskwelahan sa Bicol kabilang sa mga naaprubahan sa pilot test ng face to face classes sa Nobyembre

BICOL—Apat sa 59 na mga paaralan sa buong bansa na napayagang magpatupad ng pilot test ng face to face classes ang mula sa Bicol region.

Ayon sa Department of Education (DepEd), ang apat na ito ay pawang mula sa lalawigan ng Masbate kabilang ang Asid Elementary School, Sinalongan Elementary School at Gutusan Elementary School na pawang nasa Masbate City at ang Mary B. Perpetua National High School na nasa Milagros, Masbate.

Ang mga napiling paaralan ay masusing sinuri ng Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau at kabilang sa minimal o low risk base sa COVID-19 Alert Levels ng mga probinsya/highly urbanized cities (HUC)/ independent component cities (ICC) at risk category ng munisipyo o siyudad.

Magsisimula ang pilot implementation ng face-to-face classes sa Nobyembre 15, 2021 base sa rekomendasyon ng DOH sa DepEd.

Katuwang rin ng DepEd at DOH ang mga LGU sa pagpapatupad nito kung saan isang resolusyon o liham ng pagpayag sa pagsasagawa ng pilot run sa komunidad ang kanilang isinumite.

Ang mga magulang naman ng mga kalahok na mag-aaral ay magsusumite ng consent para sa kanilang mga anak habang ang mga guro at mga empleyado ng paaralan na makikisalamuha nang direkta sa mga mag-aaral sa pilot run ay kailangang fully vaccinated na.

Ipatutupad pa rin naman ang blended learning kung saan isasagawa alternately ang isang linggong face to face classes at isang linggong distance learning.

Nakasaad din sa Joint Memorandum Circular ng DepEd na kailangang ang mga paaralang kalahok ay mayroong physical distancing-compliant classroom layout at structure, ligtas na traffic management, may protective measures at safety procedures, suportang sikolohikal, at iba pa.

Ang class sizes ay dapat 12 mag-aaral lamang para sa Kinder; 16 para sa Grades 1 hanggang 3; 20 para sa Senior High School (SHS); at 12 sa SHS para sa TVL workshops/Science laboratories.

Hindi rin dapat hihigit sa apat at kalahating oras ang pananatili sa paaralan ng mga estudyante, maliban sa Kindergarten na hindi dapat hihigit sa tatlong oras.### || slm

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *