Nasa 38 na mga tagasuporta ng rebeldeng NPA ang boluntaryong sumuko sa pamahalaan sa Sta. Teresita, Cagayan.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Capt. Rigor Pamittan, ang Chief DPAO ng 5th Infantry Division Philippine Army, mula sa naturang bilang ay 27 sa kanila ang galing sa Brgy. Alucao at 11 naman ang mula sa Barangay Aridowen.
Sinabi niya na ang mga ito ay nagdesisyong magbalik-loob sa gobyerno kasunod ng mga isinasagawang Community Support Program at local peace engagement.
Aniya, nagdesisyon umano ang mga itong sumuko dahil sa mga pangha-harass at pamba-blackmail sa kanila ng NPA.
Sinamantala umano ng mga ito na magbalik-loob matapos ang nangyaring sagupaan sa pagitan ng mga militar at NPA sa munisipalidad ng Gonzaga.
Ayon pa kay Capt. Pamittan na ang mga naturang tagasuporta ang inuutusang magdala ng mga pagkain at mga kagamitan ng mga NPA sa isang lugar.
Sa ngayon aniya ay nakikipag-ugnayan na ang kasundaluhan sa lokal na pamahalaan ng Sta. Teresita para sa mga naayong programa at aktibidad para sa kanila.
Sa pamamagitan aniya ng Community Support Program Teams na nasa mga barangay ay namomonitor ang mga posibelng pananakot ng mga rebeldeng NPA sa mga sumuko.
Samantala, ayon pa kay Capt. Pamittan, nagpapatuloy pa rin ginagawang search and hot pursuit operation ng kasundaluhan sa mga tumakas na nakasagupang miyembro ng makakaliwang grupo sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.
Nakapagbigay na rin aniya ng tulong ang MSWDO at DSWD Region 2 ng mga assistance sa mga naapektuhang pamilya dahil sa nangyaring bakbakan sa Sitio Bagsang sa Brgy. Sta. Clara.