Inanunsyo ng Department of Foreign Affairs na nagawa nitong matulungan ang 345 na overseas Filipinos mula Oman na makauwi sa pamamagitan ng special chartered flight mula sa nasabing bansa sa Gitnang Silangan.
Sa isang pahayag, ay sinabi ng DFA na tumaas ang bilang ng mga stranded na overseas Filipino workers sa Oman.
Dahil diyan ay sinabi ng ahensya na nag-request ang embahada ng Pilipinas sa Muscat ng repatriation flight para sa daan-daang mga Pilipino.

Dumating ang nasabing grupo, na kinabibilangan ng 10 menor-de-edad kahapon, kung saan ay lahat sila, maliban sa lima ay mga land-based workers.
Inihayag naman ng DFA na bukod sa return flight tickets, ay mabibigyan rin ang repatriates ng free swab test, libreng pananatili sa isang quarantine facility, at $200 reintegration assistance.
Samantala, sinabi ng DFA na meron pa itong dalawang repatriation flights na naka-schedule na sa ika-10 at ika-25 ng Agosto.