3 Pilipinong mangingisda, patay matapos banggain ng ‘unidentified commercial vessel’ sa Bajo de Masinloc

Tatlong mangingisda ang patay makaraang lumubog ang sinasakyan nilang bangka matapos umanong mabangga ng isang unidentified commercial vessel sa bahagi ng Bajo de Masinloc.

Sa ulat na inilabas ng Department of Transportation, ibinahagi ng isang tripulante ng FFB DEARYN na nangyari ang insidente bandang 4:20 ng madaling araw noong October 2.

Ito’y habang ang kanilang mother boat ay nakaantabay para sa payao fishing, 85 nautical miles hilagang-kanluran ng Bajo de Masinloc.

Nadaanan daw sila ng vessel at lumubog ang kanilang bangka na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong tripulante nito, kabilang ang kapitan ng bangka.

Nakaligtas naman ang 11 pang mangingisdang kasama nila.

Naihatid na ang mga nasawing mangingisda sa Barangay Cato, Infanta, Pangasinan.

Samantala, sinabi naman ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Rear Adm. Armand Balilo na posibleng tulog ang mga mangingisda nang mangyari ang insidente.

Inaalam na rin sa ngayon kung kaninong commercial vessel ang bumanga’t nanagasa sa mga biktima.

Siniguro rin ng PCG ang tulong sa mga ito.

Pangulong Marcos, tiniyak na pananagutin ang nasa likod ng maritime incident

Nakikidalamhati si Pangulong Bongbong Marcos sa pamilya ng mga nasawi sa nangyaring insidente sa karagatang sakop ng Bajo de Masinloc na ikinamatay ng 3 mangingisda.

Sa X account ng Pangulo, sinabi nitong tinitiyak nya sa pamilya ng mga biktima na gagawin nila ang kanilang makakaya para mapanagot ang may pananagutan sa trahedya.

‘We are deeply saddened by the deaths of the three fishermen, including the captain of the fishing vessel. The incident is still under investigation to ascertain the details and circumstances surrounding the collision between the fishing boat and a still unidentified commercial vessel.’ sabi ni Marcos.

May apela rin ito sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng anumang espekulasyon at hayaan ang Philippine Coast Guard sa kanilang tungkulin na mag imbestiga.

Siniguro rin ng Presidente ng magbibigay sila ng tulong at suporta sa pamilya ng tatlong biktima.

‘We assure the victims, their families, and everyone that we will exert every effort to hold accountable those who are responsible for this unfortunate maritime incident. Rest assured that the government will provide support and assistance to the vicitims and their families.’ dagdag pa ng Pangulo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *