KORONADAL CITY — PATAY ang tatlong pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army o NPA sa nangyaring engkwentro ng mga ito sa militar sa Barangay Baluan, Palimbang, Sultan Kudarat.
Ayon kay Lt.Col. Dennis Almorato, spokesperson ng 6ID, Philippine Army, kinilala nito ang mga namatay na sina Ian Dela Rama alyas Cris, commanding officer ng regional operations command ng Far South Mindanao Region, dating secretary ng Front 4A, North Central Mindanao Regional Committee at may existing warrant of arrest sa kasong arson; Valerio Lacumbo alyas Bitoy, Bobit , Delfin na may warrant of arrest naman sa kasong robbery with violence against or intimidation of a person; at Wilmer Dela Cruz alyas Dodong/Grab, na miyembro ng Dabu-Dabu Platoon ng South Regional Command of Daguma, Far South Mindanao Region.
Narekober naman ng mga otoridad ang ibat-ibang matataas na kalibre ng baril, hand grenade, war materials, mga bala at magazine at mga surbesibong dokumento sa nasabing engkwentro.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng militar laban sa mga rebeldeng grupo sa nasabing lalawigan.
