Iniharap ngayong araw nina Land Transportation Office Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., ang tatlong kawani ng ahensya na naaresto kahapon matapos na maaktuhang nagpupuslit ng mga plaka sa LTO Central.
Sa natanggap na ulat ni QCPD Director Brigadier General Redrico Maranan, nag-ugat ang operasyon matapos nakatanggap ng ulat na ninanakaw umano sa Plate Making Plant ng LTO ang mga plaka.
Naaktuhan ng security guard ng planta ang tatlong tauhan ng ahensya na kumukuha ng limang plaka.
Ayon kay LTO Chief Mendoza, may isa pang hindi naaresto sa operasyon kahapon na lumalabas na mastermind ng sindikato at ito ay pinaghahahanap na ngayon.
Tiniyak naman ng LTO na magpapatuloy ang malawakang imbestigasyon nito sa pangyayari upang matukoy kung may iba pang kasabwat ang mga ito sa loob ng ahensya.
BABALA NI SILG
Nagbabala naman si Interior Sec. Benhur Abalos Jr., sa lider o utak sa pagnanakaw ng plaka sa planta ng LTO.
Siniguro ni Abalos na makakasuhan ang tatlo habang paiigtingin ang paghahanap sa lider ng mga ito.
Bukod sa kasong kriminal mahaharap din ang mga suspek sa kasong administratibo.
Ayon kay LTO intelligence and investigation division head Renante Militante, mahigit isang taon na nilang iniimbestigahan ang insidente.
Ngayong buwan , may lumapit na testigo at itinuro ang mga suspek.
Nabatid na ang mga napupuslit na plaka ay naibebenta ng mga suspek sa
halagang P5,000 hanggang P10,000.
Mula January 6 hanggang 10, nasa 38 mga plaka na ang naipuslit sa planta ng ahensiya.