Bahagyang humina ang Typhoon Kiko matapos ang unang land-fall nito kaninang alas-8:30 ng umaga sa Ivana, Batanes.
Ayon sa 11am weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng Bagyong Kiko sa coastal waters ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 205 kph malapit sa gitna at pagbugso na papalo sa 250 kph.
Kumikilos ito patungong north, northwesward sa bilis na 15 kph.
Sa ngayon, nakataas pa rin ang Signal No. 4 sa Batanes habang Signal No.3 naman sa northeastern portion ng Babuyan Islands.
Nasa Signal No. 2 ang nalalabing bahagi ng Babuyan Islands at signal No. 1 naman sa northern portion ng mainland Cagayan, northern portion ng Apayao at northern portion ng Ilocos Norte.
Base sa forecast track ng PAGASA, patuloy na kikilos pahilaga ang bagyo at inaasahang maglaland-fall muli mamayang hapon o gabi sa northern portion ng Batanes.
Sa ngayon ay magpapatuloy ang malakas na hangin at ulan sa mga naturang isla sa extreme Northern Luzon.
Inaasahan naman na lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang Typhoon Kiko bukas ng gabi o sa Lunes ng umaga.
Samantala, patuloy naman na hahatakin at papalakasin ng nasabing bagyo ang hanging habagat na siyang magpapaulan sa nalalabing bahagi ng bansa.