SORSOGON CITY – Aabot sa 27 kasapi ng New People’s Army ang nagbalik-loob sa pamahalaan at nagsuko ng mga baril at pampasabog.
Sa nasabing bilang, 11 dito ay regular na miyembro habang ang 16 ay kasapi ng Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL). Ang mga ito ay bahagi ng Larangan 1, Komiteng Probinsyal 3 ng Bicol Reg’l Party Committee (BRPC).
Kabilang sa mga sumurender ay ang second in rank ng Platun 1 na si alias ‘Weweng,’ logistic officer na si alias ‘Jelay’ at squad leader na si alias ‘Bricks’ at isang pang lider na si alias ‘Toraok.’
Ibinaba ng mga ito ang isang M16 rifle, KG9, Cal.45 pistol dalawang Cal.38 revolver, isang M14 rifle, AR 15, Ingram, dalawang anti-personnel mine (APM) blasting cap at 8-metrong wire.
Ayon sa mga ito, nakakumbinsi sa kanila ang sunod-sunod na pagsurender ng kanilang dating kasamahan hindi lang sa Sorsogon kundi pati na rin sa kanilang kasamahan sa islang lalawigan ng Masbate.
Ayon sa commander ng 31st Infantry Battalion na si Ltc. Marlon Mojica, sinabi nito na nagbunga rin ang pinagsamang pagsisikap ng Army, PNP, mga local government unit (LGUs), mga local chief executive at kumunidad.
PHOTOS: 31 IB, PA


