Target na mabenipisyuhan ng Philippine Coconut Authority Region 2 ang nasa 2,454 na coconut farmers sa Isabela at Cagayan ngayong pandemya ng mga programa at proyekto para sa kanilang pangkabuhayan.
Ito ang inihayag ni Engr. James Mark Agra ang Agriculturist ng PCA Cagayan sa ika-39 na episode ng UP-UP Cagayan Valley ng Tactical Operations Group 2.
Aniya, mula sa nasabing bilang na mga coconut farmers ay 737 rito ang mula sa Isabela habang 1,732 naman sa Cagayan.
Sa ilalim ng Coconut Fertilization project ng ahensya ay target na matamnan ang 287 hectares sa Cagayan at 65 hectares sa Isabela kung saan nasa 115 na magsasaka ang makikinabang.
Dagdag pa ni Engr. Agra, ngayong pandemya ay naglunsad ng mga proyekto ang PCA Region 2 at sa ilalim ng Incentivized Coconut planting and replanting project ay may 727 na magsasaka sa Cagayan ang nabenipisyuhan kung saan nasa 98,784 coconut seedlings ang naipamahagi habang 729 naman sa Isabela.
224 na magsasaka naman ang nakinabang sa Crop diversification-banana intercropping project ng ahensya.
Nagpapatuloy naman aniya ang distribusyon ng incentives at fertilizer sa ilalim ng rejuvenation fertilization project sa 252 na magsasakang napiling benepisaryo ng ahensya.
Ayon pa kay Engr. Agra, dahil sa pandemya ay napagpasyahan ng DA sa pamamagitan ng PCA na upang madagdagan ang kabuhayan ng mga small scale coconut farmers ay inilunsad ang crop diversification project kung saan napiling itanim ang saging.
Sa ngayon ay nasa 3,334 farmers sa Cagayan at 2,791 farmers naman sa Isabela ang rehistrado na sa National Coconut Farmers Registry Sytem.