NAGA CITY- Inihain sa konseho ng Naga ang resolusyong nagrerequest sa Commission on Audit , Regional Office 5 na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa financial transactions sa Naga City matapos ang umano’y iregularidad sa internal procedures sa infrastructure project sa ilang mga opisina.
Muling binigyang diin ni Councilor Atty. Buddy Del Castillo na mas kapani-paniwala ang magiging resulta ng imbestigasyon kung COA ang gagawa, sang-ayon dito si Coun. Joe Perez at sinabing itiwala na ito sa independent body lalo na’t kasama ang konseho sa iimbestigahan. Mababatid na noong nagdaang linggo inihain ni Coun. Gayle Abonal- Gomez ang resolusyong gamitin ng konseho ang oversight function sa imbestigasyon. Dagdag ni Del Castillo, mainam kung ilalatag ang coverage ng imbestigasyon ng oversight committee ng Sanguniang Panlungsod. Sinabi naman ni SK Federation President Jefson Felix, walang problema kung sabay ang imbestigasyon upang maitugma o maikumpara ang resulta.
Sa huli naaprubahan din ang resolusyon. Nag-ugat ang usapin sa hiling ni dating VP Leni Robredo na fact finding sa ilang mga internal processes.