Inanunsyo ng Department of Health na nagawa nitong ma-detect ang Omicron variant ng COVID-19 sa dalawang international travelers na dumating sa bansa noong December 1.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na isa lamang sa dalawang kaso ang fully vaccinated laban sa COVID-19.
Tinukoy ng DOH ang unang kaso bilang isang overseas Filipino mula sa Japan na dumating sa bansa sa pamamagitan ng Philippine Airlines flight number PR 0427 noong December 1.
Inihayag ng DOH na kasalukuyang asymptomatic ang ROF ngunit nagkaroon ito ng sintomas ng ubo at sipon noong dumating ito sa bansa.
Ang ikalawang kaso naman ay isang Nigerian national na nagmula sa Nigeria at dumating sa Pilipinas noong November 30 sa pamamagitan ng Oman Air na may flight number WY 843.
Asymptomatic rin ang nasabing Nigerian.
Ayon sa DOH, patuloy na sumasailalim ang dalawa sa isolation sa isang pasilidad na hawak ng Bureau of Quarantine.
Ipinunto ng ahensya na nagawa nitong ma-detect ang dalawang kaso sa isinagawang sequencing ng 48 samples mula sa 21 returning overseas Filipinos, isang foreign national, at 26 na local cases mula sa mga lugar na may case cluster.
Diniditermina na ng DOH ang mga posibleng close contacts mula sa mga kapwa pasahero ng dalawang kaso mula sa kani-kanilang flights.
