Hindi na naiwasang maging emosyonal ng dating child star na si Niño Muhlach matapos siyang pagsalitahin sa pagdinig ng Senado hinggil sa di umano’y pangha-harass sa kanyang anak na si Sandro Muhlach.
Ayon kay Niño, bilang tatay, hindi niya maitatangging malaki ang sama ng loob niya ngayon kay Jojo Nones na siyang nakatrabaho niya sa industriya.
Bigo naman ang komite ni Senador Robin Padilla na paharapin ang dalawang akusadong sina Jojo Nones at Richard Cruz bagamat nagpaabot ang mga ito ng sulat na siyang pinunit naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada.
Ayon kay Estrada, ‘unacceptable’ ang nakasulat na rason dito kaya naman ipina-subpoena na niya ang mga ito upang mapaharap sa susunod na pagdinig.
Sa kabilang banda, nanawagan si Padilla sa National Bureau of Investigation (NBI) na gumamit na ng mga shortcuts upang mapabilis ang pagkamtan sa hustisya.
Matatandaan, sa nasabing sulat, itinanggi ng dalawang akusado ang akusasyon laban sa kanila.