Nasampahan na ng reklamong perjury at grave slander ang dalawang environmental activists na napaulat na dinukot umano ng militar sa Bataan.
Ito ang kinumpirma ni Defense Sec. Gilberto Teodoro sa Kapihan sa Manila Bay Media Forum.
Ayon kay Sec. Teodoro, ang reklamo laban kina Jonila Castro at Jhed Tamano ay inihain sa Department of Justice dalawang linggo nang nakalilipas.
Mayroon na rin aniyang subpoena laban sa dalawa para sa preliminary investigation.
Giit ni Teodoro, gusto nilang maturuan ng leksyon ang dalawa at naniniwala siyang malakas ang mga reklamo laban sa kanila.
Marami umanong mga testigo hindi lamang ang mga sundalo at PAO lawyers.
Maaalalang sumuko sa mga awtoridad sina Castro at Tamano ngunit kalaunan ay sinabi nilang dinukot umano sila ng militar.