Tinanggal na sa kani-kanilang mga puwesto sa Albay Capitol ang labinlimang mga empleyadong in-appoint ni dating Gov. Noel Rosal.
Ayon kay Teresa Balane, head ng Albay Provincial Human Resource Department Office, epektibo na kahapon, Disyembre 1, ang kanilang pagterminate ng kontrata matapos maglabas ng unang kautusan ang bagong gobernador ng lalawigan na si Atty. Edcel “Grex” Lagman.
Aniya, ang tinanggal lamang sa puwesto ay mga department heads ng Provincial Administrator, Provincial Legal Officer, Provincial Information Office, Chief Civil Security Unit at sampung Personal Executive Assistant ng dating Gobernador.
Nilinaw nito na hindi kasama sa mga matatanggal ang mga job order at consultant ng pamahalaang panlalawigan.
Dagdag pa nito, mayroon na ring bagong Chief Civil Security Unit ang pamahalaan na si Nilo Berdin.
Sinabi pa ng opisyal, ang tanging pipili ng mga magiging department head ay ang kasalukuyang gobernador.