Paghikayat sa mga kabataan na makilahok sa mga programa at proyekto, malaking hamon sa mga SK Chairperson

Aminado si Barangay Panlayan SK Chairperson Jessa Jersey na nagsisilbing malaking hamon sa kanila bilang mga youth leader kung paano mahihimok ang kapwa nila mga kabataan na makiisa sa kanilang mga proyekto at programa.

Gayunpaman, sinabi ni Jersey na bagama’t mahirap ay hindi umano siya sumuko at sa kalaunan ay nakuha din niya ang kooperasyon ng mga ito.

Aniya, malaking bagay din umano na magkakakilala na sila at halos magkakamag-anak pa kung kaya madali din niyang nahimok ang mga ito na makilahok sa kanilang mga iniimplementang programa at proyekto.

Read More:  Caretaker dies after stabbing incident in San Vicente, Palawan

Nakatulong din umano ang paggamit nila ng social media tulad ng pasasagawa ng mga online contest upang mas maging interesado ang mga ito sa kanilang mga aktibidad lalo pa na karamihan sa mga ito  ay kabilang sa Generation Z.

Aniya, kailangan kasi nilang makisabay sa kung anong kinahihiligan ng mga ito upang mas makuha nila ang atensyon at mahikayat na magparticipate.

Sinabi pa nito na, time management ang kanyang sekreto upang maayos niyang magampanan ang kanyang tungkulin bilang lider ng mga kabataan sa kabila na isa rin siyang estudyante.

Read More:  NPA regional committee in Caraga collapses as remaining members surrender

Bagama’t aminado na talagang hamon para sa kanya na pagsabayin ang kanyang trabaho at pag-aaral, sinabi ni Jersey na ito’y kanyang napagtatagumpayan sa pamamagitan ng pagsasaprayoridad ng mga trabahong kailangan nang gawin at unahin.

Malaking bagay umano na alam niya kung paano balansehin ang kanyang oras dahil natutulungan siya nito na maging flexible sa lahat ng sitwasyon kung kaya hindi niya napapabayaan kapwa ang kanyang tungkulin bilang SK Chairperson at pag-aaral.