Ibinunyag ng adviser ni Ukraine President Volodymyr Zelensky na si Mykhailo Podolyak na umabot na sa 13,000 na kanilang mga sundalo ang nasawi mula nang lusubin sila ng Russian troops noong Pebrero.
Hindi pa naman kinukumpirma ng Ukrainian military ang claim ni Podolyak kung saan inihayag nito noong Hunyo na nasa 100 hanggang 200 na mga Ukrainian soldier ang namamatay araw-araw.
Matatandaan unang inihayag ng European Commission head na si Ursula Von der Leyen na umabot na sa 100,000 Ukrainian soldier ang nasawi pero agad itong nilinaw ng kanyang tagapagsalita at sinabing ang nasabing bilang ay kombinasyon na ng mga namatay at nasugatan sa giyera.
Kampanteng inihayag din ni Podolyak na umabot na sa 100,000 Russian soldier ang nasawi maliban pa sa mga nasugatan o nawala.
Taliwas naman ito sa claim ng Russia na nasa 9,311 Russian soldier lang ang nasawi sa kanilang panig mula nang sumiklab ang giyera habang posibleng umabot umano sa 18,600 ang totoong bilang ng mga nasawi.
