LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol na mayroon nang online application para sa pag-isyu ng letter of approval ng Construction Safety and Health Program (CSHP).
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Johanna Gasga, spokesperson ng DOLE Bicol, naging epektibo ito noong unang lingo ng Nobyembre kung saan ang mga kliyente ay magsusumite ng kanilang aplikasyon sa pamamagitan ng portal ng nasabing ahensya.
Ang nabanggit umano na digitization system ng DOLE ay mas epektibo at mas matipid sa kliyente at sa pamahalaan.
Dapat lamang na susundin ang mga requirements na kinakailangan online upang maproseso ang aplikasyon.
Ayon kay Gasga, ang CSHP ay isang set ng mga tuntunin na saklaw ang mga proseso, mga ginagawa at mga personal na gampanin na kinakailangan para sa isang construction project site.
Nangangahulugan na kung magpapagawa ng isang gusali o establisimento, kailangang mag-secure ng CHSP sa ahensya.
Hindi umano makakausad sa konstruksyon kung walang CSHP dahil nakasaad ito sa RA 11058 o An Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof.