10 patay sa ‘mass stabbing’ incident sa Canada, manhunt ops sa mga suspek ikinasa

Pinaghahanap na ngayon ng Canadian police ang dalawang suspect na sinasabing nasa likod ng pananaksak at nakapatay sa sampung tao habang 15 ang sugatan sa Saskatchewan province.

Tinukoy din ng mga pulis ang dalawang suspect na sina Damien Sanderson at Myles Sanderson na sakay ng itim na Nissan Roque.

Napag-alaman na naitala ang pananaksak bandang alas-8:20 ng umaga na dahilan kaya naglabas ng province-wide alert habang inalerto din ng mga otoridad ang kalabat na lalawigan ng Alberta at Manitoba bandang hapon.

Aminado naman ang mga pulis na hindi sila tiyak kung posibleng nagpalit ng sasakyan ang mga tumatakas na suspect habang hindi ma-establish ng mga otoridad kung saan patungo ang mga ito.

Naitala ang mga insidente ng pag-atake sa 13 crime scenes na siyang tinututukan ngayon ng imbestigasyon.

Kasama ding inaalam ngayon ng mga pulis kung ano ang relasyon ng dalawang suspect.