CAMARINES NORTE – Patay ang isang lalaki sa salpukan ng truck at tricycle dakong alas 11:30 ng umaga nitong All Saints Day sa kahabaan ng National Highway, Sitio Bahi, Barangay Tuaca, Basud, Camarines Norte.
Kinilala ang nasawi na si Rod Buenaflor, 30 anyos, driver ng tricycle, may asawa at residente ng Jose Panganiban.
Galing umano sa direksyon ng Camarines Sur ang tricycle sakay ang apat na iba pa nang mahagip ng kasalubong na truck na minamaneho naman Ricky Dacuba , 40 anyos, residente ng San Lucas, Lipa City, Batangas.
Sa inisyal na ulat, nangyari ang aksidente sa kurbadang bahagi ng kalsada sa kasagsagan ng malakas na ulan.
Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan si Buenaflor habang nasugatan din ang iba pang sakay ng tricyle.
Dinala pa sa ospital ang driver ng tricycle at mga pasahero nito pero ideneklarang dead on arrival as of 12: 51 pm batay sa kumpirmasyon mula sa Camarines Norte Provincial Hospital.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa pangyayari. Ligtas naman ang driver ng truck na nasa kustodiya ng Basud Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon.
