KORONADAL CITY-1 patay habang isa naman ang sugatan sa banggaan ng fish car at motorsiklo kaninang umaga sa Purok Kauswagan, Barangay Saravia, Koronadal City.
Ito ang kinumperma ni Police Staff Sergeant Fely Bascon, traffic investigator ng PNP traffic sa panayam ng 95.7 Brigada News FM Koronadal.
Kinilala ang namatay sa aksidente na si Peter Gleen Cabral, nasa legal na edad, estudyante, driver ng motorsiklo at residente ng General Santos City habang sugatan naman si Jepherson Perong, 40 anyos, fish car driver at residente ng Barangay Kematu, Tboli, South Cotabato.
Sa imbestigasyon ng PNP Traffic ng Koronadal nang-agaw umano ng lane ang nasabing motorsiklo na naging dahilan ng head on collision ng dalawang mga sasakyan.
Ayon naman kay Mark Vincent Pajarilla, kaibigan ng namatay na bago paman nangyari ang aksidente naka-inoman nya pa ito.
Sa ngayon nagpapagaling ang sugatang driver habang kinuha naman ng pamilya ang bangkay ng estudyante.
