KORONADAL CITY- NANANATILI sa Barangay Gymnasium ng Barangay Tinago, Norala ang 51 pamilya o mahigit sa 200 mga indibidwal na residente ng Sitio Lamfugon na inilikas dahil sa landslide.
Ayon kay Norala Mayor Clemente Fedoc, may lawak na tatlong ektarya ang lupang gumuho sa bulubunduking bahagi ng nasabing sitio dahil sa malakas na buhos ng ulan.
Nagpapatuloy naman ang search and rescue operation sa residenteng si Flore Saken, 37 anyos na pinaniniwalaang natabunan ng gumuhong lupa.

Pagkakalbo ng kabundukan dahil sa pag-uuling na siyang kabuhayan ng ilang residente ang isa sa tinitingnang rason ni Fedoc kung bakit lumambot ang lupa at nagkaroon ng landslide.
Ang mga bakwit ay kasalukuyang namamalagi sa Barangay Gymnasium ng Tinago at Barangay Tinago Grande Elementary School na ginawang evacuation centers.
Hinihintay pa ng LGU ang rekomendasyon ng Mines and Geosciences Bureau o MGB 12 kung ligtas nang pabalikin sa kanilang lugar ang mga residente.
Agad namang namahagi ng relief assistance ang LGU Norala kasama ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pamamagitan ng Philippine Red Cross.