Hindi na kailangang magtiis sa pagpasok sa kapitolyo ang mga kababaihang empleyado sa Nueva Vizcaya tuwing may menstrual period sapagkat aprubado na ang “Nueva Vizcaya Women Empower Ordinance” sa lalawigan.
Mabibigyan ng dalawang araw na Work-From-Home setup ang mga babaeng empleyado kada buwan habang sila ay nasa Menstrual Period kung saan kabilang dito ang mga Casual, Contract of Service at Job Order workers.
Ayon sa may akda ng ordinansa na si Board Member Patricio Dumlao,Jr., magbibigay daan aniya ito para sa mga kababaihang manggagawa na magkaroon ng mas maayos na pag-aalaga sa sarili tuwing mayroong hormonal at physiological difficulties na kanilang tinitiis sa buwanang dalaw.
Aniya, dapat kilalanin ang kalusugan, kagalingan at proteksyon ng kababaihan upang sa gayon ay mabuksan ang mga kamalayan ng bawat indibidwal sa mga ganitong usapin at maisulong ang sapat na suporta para sa inclusive at gender equality sa Nueva Vizcaya.
Ang konsepto ng menstrual privileged ay hindi na bago sapagkat kinikilala na ito sa ibang bansa katulad ng Japan, South Korea, Taiwan, Indonesia at Zambia.
Sa Pilipinas, ang La Union ang unang lalawigan na nagbigay ng ganitong pribiliheyo para sa mga kababaihan.