Nasawi ang isang lalaki matapos aksidenteng tamaan ng bala ng baril sa Barangay Sta. Rosa, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, kinilala ang biktima na si Roger Dela Cruz, 31-anyos at residente ng Barangay Bonfal West, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Kinilala naman ang mga suspek na sina Jail Officer 1 Kevin Mark Allaga, 26-anyos; Tristan Errol Santiago, 22-anyos; Mark Jusin Allaga, 24-anyos at Jurt Rodney Butic, 20-anyos.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na habang nag-iinuman ang mga suspek ay nakaalitan ng mga ito ang isang grupo sa loob ng bar hanggang sa humantong sa bugbugan.
Nag-ugat umano ang hindi pagkakaintindihan sa napulot na pulbos na itinapon ng kasama ni Jail Officer 1 Allaga sa ibang grupo na nag-iinuman rin sa loob ng bar.
Napag-alaman na sa labas na ng bar sina JO1 Allaga nang paputukin nito ang kaniyang issued firearm at dito na tinamaan ang biktimang si Dela Cruz na natutulog lamang sa gilid ng kalsada dahil galing rin sa inuman.
Sumuko naman ang mga suspek at kasalukuyan nang nakapiit sa Bayombong Police Station at nahaharap sa kasong Homicide.