Nasawi ang isang pulis matapos nitong iligtas mula sa pagkalunod ang dalawang bata sa ilog ng Pamplona, Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa Police Regional Office 2, kinilala ang tinaguriang bayaning pulis na si PCpl Mark Edhyson Arinabo, 32-anyos tubong Capalalian, Pamplona ngunit nakatalaga sa PCP 3 Makati Police Station, National Capital Region Police Office.
Napag-alaman na naka-official leave umano si PCpl Arinabo kung saan nagpunta ito sa ilog kasama ang kaniyang pamilya noong May 26, 2023 upang mag-picnic.
Napansin umano nito ang dalawang bata na nasa gitna ng ilog na nagpapasaklolo dahilan upang agad na magtungo roon si PCpl Arinabo upang iligtas ang mga ito.
Parehong nailigtas nito ang dalawang bata ngunit sa kasawiang palad ay natangay ng malakas na pagragasa ng tubig ang pulis.
Umabot ng halos dalawampung minuto ang pagkalubog ni PCPL Arinabo bago narekober ng Pamplona Police Station katuwang ang MDRRMO ang katawan nito na agad namang dinala sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng doctor.
Naulila ni PCPL Arinabo ang kaniyang dalawang anak na nasa pito at dalawang taong gulang pa lamang.
Bagaman nagdadalamhati ang buong pamilya ni PCPL Arinabo ay hinangaan pa rin ang kaniyang katapangan at kabayanihang ipinamalas.