Magpapatuloy ang isasagawang imbestigasiyon ng Diadi PNP hinggil sa dahilan ng pagkamatay ng babaeng unang natagpuan ang walang buhay na katawan nito sa maisan sa Diadi Nueva Vizcaya.
Ang biktima ay si Analyn Unggod, 39 anyos at residente ng Andress Bonifacio Diffun, Quirino.
Batay sa report, sinabi ng kinakasama ng biktima na si Federico Salatan, 49 anyos at construction worker, umalis si Analyn sa kanilang bahay habang ang kanilang 4 anyos na anak ay nasa pangangalaga ng kanilang kapitbahay.
Si Salatan ay nagtatrabaho sa bayan ng Maddela, Quirino at umuuwi lamang tuwing linggo kung kayat hindi nito agad nalaman na hindi umuwi ang kaniyang kinakasama.
Blanko naman si Salatan sa posibleng motibo sa pagpaslang sa kaniyang kinakasama dahil ang pagkakaalam niya ay sa mga kapitbahay lamang nagagawi ang biktima.
Mayroong nakitang nangitim na marka sa leeg ng biktima na posibleng sanhi ng kaniyang pagkamatay pero magpapatuloy parin ang malalimang imbestigasiyon ng kapulisan hinggil sa pangyayari.