Napagkalooban ng humigit kumulang na P300,000 na halaga ng libreng pabahay mula sa Libreng Pabahay Project ng Echague Police Station ang ipinasakamay sa isang single mom sa Brgy. Taggapan, Echague, Isabela kamakailan.
Batay sa mga detalyeng nakuha ng Brigada News Team, sa barong-barong na bahay nakatira sina Ginang Agustina Alvarez kasama ang kaniyang tatlong anak at ang tanging ikinabubuhay lamang ay ang paglalaba at paglilinis sa mga bahay ng kaniyang mga ka-barangay.
Bukod sa bahay ay nakatanggap din ang ginang ng isang sakong bigas, at grocery items na nagkakahalaga ng P6,000.
Laking pasasalamat naman ni PMaj Rogelio Natividad, ang COP ng Echague PS sa lahat ng mga stakeholders at sa mga nagpa-abot ng tulong para maisakatuparan ang kanilang programa.
Kaugnay nito, pinangunahan nina PCol Julio Go, ang Provincial Director at iba pang kasama nito ang Ceremonial Turn-over at Blessing kung saan nabanggit din ni Go na ito na ang ika-58 na bahay na naipahamagi sa lalawigan ng Isabela.
Aniya, ang Libreng Pabahay Project ay kanilang ipagpapatuloy dahil sa hangaring makatulong at makapaghandog ng disenteng pamamahay sa mga taong lubos na nangangailangan.