Pinalawig ng Land Transportation Office ang validity ng student permit, driver’s license at conductor’s license na nagpaso nang ideklara ang Modified Enhanced Community Quarantine sa Region 2.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, pinalawig ng LTO central office hanggang September 30 ang validity ng nasabing mga lisensya na nagpaso sa panahon na ideneklarang MECQ ang Region 2.
Una nang pinalawig ng LTO ang validity ng registration para sa mga motor vehicles na may plate number na nagtatapos sa 6 at 7 kung saan hindi dapat singilin ng surcharge at penalty ang mga driver.
Kaugnay dito, ang mga plate number na nagtatapos sa 6 ay pinalawig hanggang sa August 31,2021 ang registration habang ang nagtatapos naman sa 7 ay hanggang September 30, 2021 lamang.
Magugunita na sa huling panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay LTO Region 2 Assistant Regional Director Manuel Baricaua, hinikayat niya ang mga hindi pa nagpaparenew ng lisensya at rehistro na pumunta lamang sa pinakamalapit na opisina ng LTO anumang oras.
Aniya, kinakailangan lamang kumpletuhin ang mga hinihinging requirements upang mapabilis ang transaksiyon.