Patay ang isang tricycle driver na si Mark De Lima, nasa hustong gulang matapos undayan ng saksak sa leeg bandang alas-onse kagabi sa isang KTV Bar sa Barangay Tiniguiban, Puerto Princesa City.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Elfredo Florentino at Benjie Piojo, mga construction worker.
Sa imbestigasyon ng Police Station 2, magkahiwalay ang grupo ng biktima at suspek at habang sila’y nasa loob ng KTV ay nagkaroon ng suntukan.
Sa CCTV footage ng Bar at testigo ay nakita na sinuntok ng mga suspek ang kasamahan ng biktima. Kalauna’y bumunot na si Elfredo ng patalim at sinaksak si Mark.
Lumalabas na ‘nakursunadahan’ lang ang biktima ayon pa sa PS2.
Samantala, nahaharap sa kasong Murder ang dalawang suspek matapos mahuli sa follow up operation.